Piraso ng Palaisipan
PIA MONTALBAN
Kabisado ng talampakan
bawat kurba ng kalikasan,
lapat sa lupa ang palad
ng mga paang sanay sa lakaran.
Sa kaparangan at kabundukan
ng mga burol at lambak
ng aming kalupaan,
di na kami nasasaktan
sa bawat paglalapat
ng aming mga kinalyong balat.
Wari kami'y may mga kanto
gaya ng piraso ng palaisipan,
ngunit di na nagkakasikuhan
ang aming bawat kagaspangan,
dahil mga kanto itong nagpapanagpo
sa bawat kabisadong kurbado
ng lubak-lubak na daan
o balat ng bawat puno
na inakyat o sinungkitan ng puso
ng saging o bunga ng guyabano.
Kabisado ng talampakan
bawat kuwadrado kilometro
ng aming botika at pamilihan,
ng kampo santo at paanakan,
ng paaralan,
ng kanlungan ng lahi,
ng aming tahanan...
Ngunit paano kung
kaunlaran ay proyekto
na nakadibuho
sa konsepto ng iilan,
tutubo ba talaga
sa semento
ang aming kagalingan?
Makapipitas ba talaga
ng benepisyo
sa bunga ng itinanim
na gusali at negosyo?
O alaala na lamang
ang espasyo,
ng minsang pag-iral,
paksa sa antropolohiya
at asignatura sa akademiya?
- Pia Montalban, 2018